Nagising ako sa isang malakas na boses ng isang babae na wari'y nanalo sa lotto sa sobrang saya. Hindi pa ito nagkasya at nagpatugtug pa ito ng isang pamilyar na musikang minsan sa isang taon mo lang mapapakinggan. Merry Chrismas!!! Ang malakas na sigaw ni ermats sabay lundag sa aking kama at niyayakap-yakap pa ako. Sa aking pagkagulat ay agad kong kinuha ang aking cellphone upang tingnan ang oras at petsa. Sa isip isip ko kasi baka naparami ang nainum namin kagabi ng barkada ko at nakatulog ako ng mahabahabang panahon, at pagkagising ay pasko na agad. 6:00 am, September 5, 2010 sunday, Kamot ulo, lakas talagang ng trip nito ni ermats, sino ba namang mabuting ina ang mangbubulahaw sa umaga ng anak upang batiin ng maligayang pasko sa buwan ng septyembre? Si ermat lang ata. Bunso bangon na, nakahanda na ang pagkain mo sa lamesa, tsaka linggo ngayon magsisimba na tayo. Ang sabi ni ermats habang palabas ng aking kwarto. Hay, ang sarap talagang maging bunso. hehehe babangon nalang at kakain. Naiwang bukas ni ermats ang pinto ng aking kwarto, ito ang nag bigay daan para marinig ko ng malinaw ang pamaskong soundtrip nya. Iba ang pakiramdam pag nakakarinig ako ng ganitong musika sa umaga. Parang bumabalik ako sa pagkabata. Yung pakiramdam nung bata kapa na sa tuwing pasko mo lang mararamdaman. Masaya, puno ng pag asa, hindi mo maipaliwanag. Makabangon na nga at maghahanap pa ako ng malaking medyas na maisasabit malapit sa bintana. malaki para mas maraming mailagay si santa. XD
Bangon, tiklop ng kumot, salansang ng mga unan, patay ng erkon este elektrik pan lang pala, labas ng kwarto, hilamos, mumog sabay kain. Ayus sinangag itlog at tusinong naliligo sa mantika. healthy hehehe. Pag katapos kumain tambay muna sa labas habang nagkakape. Maaga pa naman, mya mya na ako maliligo para mag simba. Habang nakatamabay ay nakita ko ang isa sa mga kainuman ko kagabi. Ang kaibigan kong si Bugoy, naalala ko tuloy ang mga pinagtatalunan ng barkada namin sa inuman kagabi. Ang pagiging Atheist nya. Wala raw siyang pinaniniwalaang taga likha. Ang nanay at tatay daw nya ang lumikha sa kanya. Tigas ng pagpapaniwala nya sa amin na wala siyang pinaniniwalaan.Naawa ako bigla sa kaibigan ko. naisip ko kung wala siyang pinaniniwalaang tagalikha? wala rin siyang Diyos? wala rin syang Cristo, e di wala rin syang pasko? Teka nga, paano nga ba magcecelebrate ng pasko ang isang Atheist dito sa isang bansang napakahaba ng selebrasyon ng pasko? Hmmmm...Tumatanggap kaya ng christmas bonus ang mga Atheist? Pumapasok kaya sila sa trabaho tuwing christmas break? Umaatend kaya sila sa mga christmas party? nakakatanggap kaya sila ng christmas gifts? Panu kaya sila magshoshopping sa mall pag christmas season e puro christmas sales ang mga tinda dito? hindi kaya sila nabuburyong sa mga christmas songs na paulit-ulit pinapatugtug sa radio? Anu kaya ang kinakain nila pag pasko? bibingka puto bungbong? Galante kaya ang mga Atheist magbigay sa mga nagcacaroling? May mga inaanak kaya sila na binibigyan ng aguinaldo? Aaaaarrrrggggg!!! !@#$%^ sakit ng ulo ko. lakas na nga ng hang over ko pinoproblema ko pa kung pano magpasko ang Atheist. makaligo na nga, tatanong ko nalang kay pastor.