Wednesday, September 1, 2010

Sa pagtangis ng langit


Sa pagtangis ng langit 
Minsa'y di maiwasan ang pananabik.

Sa lamig ng paligid, 
ay wala kang alpas sa mga gunitang tila hamog na humahalik sayong mga bisig.
yakap sa sarili ang magpapanatag ng mga ito.

Sa musikang dulot ng mga patak ng ulan at mga tilamsik na likha nito,
ay di maaaring alisin sa isip ang luha. Guguhit ito pababa sa mga dahon at mababasag sa bato.
Marahang itataas ang balikat na may manggas, upang idampi sa pisnging tubigan.


Sa pagtangis ng langit 
Minsa'y di maiwasan ang galit.

Sa paminsan-minsang pagliwanag ng kalangitan at pagputi ng paligid sa kisap mata,
tila isang balik tanaw sa litrato ng nakaraang negatibo,
Isang pikit sa tagpong sumilaw at bumulag .


Sa kabang dulot ng dagundong ng kalawakan,
wari'y mga malulutong na mura at sumpa,
agresibong panggising sa kahapong tahimik at bingi sa katotohanan.


Sa pagtangis ng langit 
Minsa'y di maiwasang umasa.

Sa bawat sagitsit ng nagngangalit na hangin,
ay siyang kalas ng mga dahong tanda ng nakalipas. 
ilalayo hanggang sa hindi tanaw ng isipan.

Sa dilim ng kalangitan dulot ng kumpol ng mga ulap na yumayakap sa buwan,
pahiwatig sa bawat balakid na halos sumabog sa dibdib.
Isang malalim na buntong hininga ng pagpapalaya at kapanatagan.

Urbankuneho
Sept. 2, 2010

No comments:

Post a Comment